Pagsulat ng Dulang Pampelikula

Tema ng Kongreso: “Ang Kurikulum Tungo sa Pagpapaangat ng Wikang Filipino at Kalidad ng Edukasyon sa Antas Elementarya at Sekundarya”

Abstract:

Sa pagtuturo ng dulang pampelikula at pangtelebisyon, ibabahagi dito ang mga pamamaraan sa paglalahad ng mga nilalaman nito, pagbabalangkas ng anyong teknikal at ang pag-aalam ng kanilang mga sinematikong sangkap. Sa panimula, kailangang malaman ng manunulat kung ano ang kwentong gustong nyang ipaparating. Mahalaga dito ang pag-aalam na ang kwentong binubuo ay maaaring makapag-ambag sa kaalaman (knowledge), kahulugan (meaning) at kahalagahan (values) ng mga manonood. Sinusulat ang mga dulang pampelikula at pangtelebisyon na may layuning magsalarawan ng mga sinematikong katangian ng mga dula na binubuo naman ng mga odyo-biswal na mga elemento tulad ng disenyo, sinematograpiya at tunog.

Lecture Outline

Ang Pagtuturo ng Dulang Pantelebisyon at Pampelikula

I. Pag-uunawa sa Anyo at Kahalagahan ng Dulang Pantelebisyon at Pampelikula

  • ang iskrip ay isang mapa o roadmap na naglalaman ng mga elemento sa ikabubuo ng dulang pantelebisyon or pampelikula
  • ang sinematikong midyum ng dulang pantelebisyon o ng pelikula batay sa kanyang sangkap na audio-visual

Ang mga sinematikong sangkap ng dulang pantelebisyon o ng pelikula:

(O ang mga elementong dapat isipin ng manunulat ng dulang pantelebisyon or pampelikula)

  1. Istorya (o Iskrip)
  2. Direksyon
  3. Disenyo
  4. Sinematograpiya
  5. Editing
  6. Tunog
  7. Musika
  8. Pag-arte (Performance)

II. Mga Panimula sa pagsulat at pag-unawa ng Dulang Pantelebisyon at Pampelikula

  1. Ang Kwentong Ideya (Story Concept o Storyline)
  2. Ang Sinopsis
  3. Ang Treatment
  4. Ang Iskrip

Ang Iskrip ay naglalaman ng kwento:

Ano ang kwento? Kwento = Tauhan + Aksyon

Nabubuo ang kwento sa pamamagitan ng mga aksyon na gawa ng mga tauhan.

III. Ang Pagbuo ng Dulang Pantelebisyon at Pampelikula

Ang Tatlong Yugto ng Iskrip:

  • Yugto I: Paglalahad (Exposition)
  • Yugto II: Tunggalian (Conflict)
  • Yugto III: Resolusyon (Resolution)

IV. Teknikal na Anyo ng Iskrip

V. Ang Pagbuo ng Karakter

VI. Ang Pagbigay ng Kaalaman (Knowledge), Kahulugan (Meaning) at Kahalagahan (Values) sa Iskrip, O Ang Paggamit ng Dulang Pantelebisyon at Pampelikula sa Pagkakaroon ng Kaalaman (Production of Knowledge)

Pambungad

Marami ang nagsasabi na ang ika-21 siglo ay panahon ng mga makabagong literasiya at mga pamamaraan sa komunikasyon. Kung ang mga nakaraang siglo ay dinomina ng mga salita at panulat, sa makabagong teknolohiya na matinding lumaganap nito lamang nakaraang dekada, mga makabagong pamamaraan ang ating nagisnan sa pagkomunika sa isa-isa at sa mundo. Naririyan ang mga usong-usong cel phone at ang kaniyang barok na pananalita. Andyan ang computer at ang sangkap nitong email. Samantalang ang dalawang ito, celphone at computer, ay mga makabagong teknolohiya na nagpapasulong sa pagsulat at paggamit ng salita kahit man naging barok na ang mga kataga, biglang namayani rin ang biswal na pamamaraan ng komunikasyon. Andiyan na ang Facebook na nagpapalaganap ng mga litrato at ng You Tube na gamit naman ang bidyo at sila’y nagbibigay ng bagong uri ng pagkomunika tungkol sa ating mga sarili.

Ngunit noong nakaraang ika-20 siglo, nakitaan na ito ng dalawang porma ng komunikasyon na sa halip na mga salita, mga imaheng gumagalaw at nangungusap ang namayani. Ito ay ang pelikula na dumating sa Pilipinas noong Enero 1, 1897, pumangalawa lamang sa Asya pagkatapos ng India na unang nagpalabas ng pelikula. Nang kalagitnaan ng siglo, umusbong naman ang telebisyon. At tulad ng nasabi na, ang dalawang ito ay lalong naragdagan nang pumasok ang ika-21 siglo kung saan ang mga teknolohiyang digital naman ang umusbong. Ang mga makabagong uri ng komunikasyong ito ay kasama sa malawakang globalisasyon na sumasakop sa ating mundo ngayon.

Para sa ating pangangailangan ngayong araw, ating pag-uusapan ang dalawang uri ng komunikasyon na kahit man noong nakaraang siglo ang mga ito inilunsad, di natin nakikitaan ng hangganan ang kanilang pag-impluwensiya sa ating lipunan sa ngayong panahon. Sino ang magsasabi na hindi sya nakarinig ng pelikula ni James Cameron na Titanic o ng Harry Potter na galing sa panulat ni J.K. Rowling? O dili kaya sa tambalan nina John Lloyd Cruz at Sarah Geronimo na unang pinag-igting sa lokal na telebisyon at lalo pang tinangkilik sa pinilakang tabing? Ang pelikula at telebisyon ay syang mga pambansang kultura natin ngayon. Maaari nating sabihin na noong ika-20 siglo ang pelikula ang syang ating pambansang kultura dahil sa pagpalaganap nito ng isang pambansang wika at ng kulturang local. Ang pag-usbong ng pelikula ay sumabay halos sa pag-usbong ng ating bansa bilang isang bansang-estado o “nation-state,” kung kaya ang pelikula ay nakitaan natin ng ating idelohiya at identidad na pambansa. Ngayong siglo naman, hindi maipagkakaila na panahon naman ito ng telebisyon upang magpalaganap ng kanyang impluwensya sa buong bansa mula sa entertainment hanggang politika.

Sa pamamagitan ng dalawang pormang ito—pelikula at telebisyon—may nakitaan tayong isang uri o “genre” na sobrang-sobra ang popularidad at talaga namang tinatangngkilik ng marami dahil sa kakayanan nitong magkuwento. Ang dulang pampelikula ay unang nagdulot ng kasiyahan sa mga unang manonood nito dahil, tulad ng sa teatro at literatura, nagbigay ito ng kwento at napulutan ng aral. Sa totoo lang, isang malaking migrasyon ang nangyari sa dula ng ito ay lumipat mula teatro na siyang namayani noong panahon ng mga Kastila papunta sa pelikula na umigting naman sa panahon ng bagong mananakop—ang mga Amerikano. Nang dahil sa Hollywood, at dahil sa ang Pilipinas ay sinakop ng Estados Unidos na syang lider sa paggawa at paglako ng pelikula, sinundan ng ating musmus nag bansa ang mga pamamaraan sa pagtangkilik at sa paggawa ng pelikula na usong-uso sa Amerika. Pelikula ang syang hinirang nating tagapag-aliw nang tayo ay kumalas na mula sa ating mga mananakop. Ngunit kahit na nakitil na ang politikal na pananakop ng Amerika, di natin maiwaksi-waksi ang kultural na impluwensiya ng Amerika. Ang pelikula—mas matanda pa kesa sa bansang itinatag lamang noon 1946 dahil sa ang pelikula ay ipinanganak sa bansa noong 1897 at, dagdag pa dito, isipin din natin na ang unang pelikulang gawa ng Pilipino ay nangyari lamang noong 1919—alalahanin nating ang pelikula ay nagkaugat na nang malalim sa isip at damdamin nating mga Pilipino bago pa man tayo naging ganap na bansa.

Sa gitna ng ating pagtangkilik sa pelikula, ang dulang pampelikula ay may katangitanging kinalalagyan sa ating kultura. And dulang pampelikula ay syang naging salamin ng ating katauhan sa kanyang pagpapakita ng ating mga katangian—mabuti man o masama. Ang dulang pampelikula—tulad ng nakaraang teatro at nobela—ay naging tagalantad din ng ating mga tinatagong mga pagnanais. Hindi dito magkakalayo ang dulang pantelebisyon dahil ito naman ay hango rin sa naunang pelikula. Maaaring naiiba lamang ito ng dahil sa ang midyum ng telebisyon ay hitik na hitik sa komersyalismo kaya nahahati ang daloy ng kwento sa pamamagitan ng mga patalastas. Ngunit ang struktura ng dula, ang mga karakter at ang mga ibig ipahiwatig nito ay di magkalayo ang dulang pangtelebisyong mula sa dulang pangsine.

Ang Dula

[Sa pagtuturo ng dulang pantelebisyon at pampelikula, ibabahagi dito ang mga pamamaraan sa paglalahad ng mga nilalaman nito.]

Bilang panimula, kailangang malaman ng manunulat kung ano ang kwentong gustong nyang iparating. Ang kwento ang siyang nagbubuo ng tinatawag na “content” ng pelikula o dulang pantelebisyon. Ito ay dapat malinaw sa manunulat dahil ito ang kanyang idedebelop para maging isang dula ang kanyang naiisip na kwento. Kung di nya alam ang kanyang nilalaman o “content,” maaaring mahihirapan syang magsulat kung di naman nya alam ang dapat buuhin.

Halimbawang ang manunulat ay alam na nya ang kanyang kwento, para makapagsimula sa pagsulat ng dula—pampelikula man o pantelebisyon—siya ay maaaring magsimula sa pagbubuo ng tinatawag na “storyline”—o, kwento sa isang linya. Subukang magkaroon ng kakayanang ilahad ang kwento sa isang maiksi na linya ngunit malinaw na nagsasalarawan ng (1) karakter at (2) simpleng pangyayari na bumubuo ng kwento. Ang “storyline” ay isang payak na pangungusap o “sentence.” Ito ay isang “story concept” o minsan tinatawag din na “story idea” dahil sa ito ay nagbibigay ng ideya tungkol sa kwentong bubuuhin sa pamamagitan ng isang maiksing pangungusap. Sa kumbenyunal na pagsusulat ito ay binubuo ng “subject” at “predicate”—ang “subject” bilang tagapagbigay ng karakter o katauhan sa mga pangyayari at ang “predicate” naman ay syang nagbibigay ng aksyon ng kwento na sumasagot sa tanong na “anong nangyari”? (Dito magbigay ng ehersisyo at pasulatin ang mga tagapakinig ng isang “storyline” kung sila man ay gustong gumawa ng dula. Magtawag ng isang tagapakinig at pabasahin ng kanyang “storyline.” Pakinggan at pag-usapan ang narinig na “storyline.” Maaaring tumawag ng isa pang magbabasa ng kanya namang “storyline” at pag-usapan muli.)

Mahalaga na maliwanagan unang-una ang tauhan o karakter dahil sya ang magbibigay ng buhay sa kwento. Sa kanya iinog ang mga pangyayari na sya namang bubuo sa naratibo o kwento (story) ng dula. Kailangan ang karakter para magpasimuno ng aksyon na syang susundan para maisakwento ang pelikula o dulang pantelebisyon. Ang mga nangyayari sa karakter ay siya namang bubuo sa susunod nating dapat isulat—ang “action” part o “predicate” o verb n gating pangungusap. Itong parte ay nagsasalarawan ng “”action” o aksyon na syang nagsasaad sa mga pangyayari na kinakasangkutan ng karakter. Tulad nyan sa kwentong “Titanic,” ito ay “kwento ng isang nalubog na barko kung saan ang isang magkasintahan ay nangakong magsama kahit sa harap ng trahedya.” Interesante ang kwentong ito dahil sa kahit na ang malakihang kwento ng pelikula ay tungkol sa nalubog na barko, me pangalawang kwento na aantig sa ating mga damdamin at ito ay ang tungkol sa magsing-irog na kahit ano man ang sakunang kinakaharap, sila ay nangakong di maghiwalay. Alalahanin muli na ang “storyline” para maging epektibo ay dapat may malinaw na karakter at aksyon. (KWENTO = TAUHAN + AKSYON) Dagdag pa dito, magsulat ng isang payak na pangungusap na malinaw ang “subject” at “predicate” nito. Hwag gumamit ng sanga-sangang pangungusap, o “compound sentence” dahil ito ay magdudulot lamang ng kalituhan. Ang pagsulat ng “storyline” ay isang pamamaraan ng pag-disiplina sa sarili na mag-isip ng isang ekomikal na pamaamaraan sa paglalahad ng kwento.

Mula sa “storyline,” patutungo naman tayo sa pagsusulat ng “synopsis.” Alam natin na ang sinopsis ay isang maiksing sanaysay na pangkalahatang naglalahad tungkol sa kwento. Kung maaari ay isulat ito sa isang pahina lamang. Me isang suhestyon na maaaring gamitin para makapagsulat ng isang epektibong sinopsis. Dahil ang dula sa kanyang kumbensyunal na struktura ay dapat me panimula, me katawan at panghuli—kung maaari ang sinopsis ay magpakita nitong tatlong sangkap. Kung maaari ang unang talata ay magbigay ng panimula (“introduction” o “set-up”) sa pamamagitan ng pagpapakilala ng mga karakter lalo na ng “protagonist” o bida. I-build-up ang mga tauhan sa pamamagitan ng pagpapakita ng kanilang mga natatanging katangian. Dito rin sa unang yugto ipapakita ang pag-“set-up” ng aksyon ng dula. Sa “set-up” mahalaga na malalaman ng manunulat kung paano magsimula ng isang aksyon at itaguyod ito hanggang sa huli ng pelikula. Tatlo o limang pangungusap ang maaaring gamitin sa pagsulat ng unang talata tungkol sa “introduction” ng kwento.

Ang pangalawang talata naman ay tungkol sa mga tunggalian (“conflict”) na dadaanan ng tauhan na syang bubuo sa katawan ng dula. Bilang katawan ng dula, isasaad dito ang mga pangyayari na syang bubuo ng pelikula. Ang mga pangyayaring ito ay maaaring isang serye ng mga paghihirap na dararanasin ng karakter upang buuhin ang kanyang katauhan. Maaaring mga limang pangungusap ang bubuo ng pangalawang talata. Sa pangatlong talata, dito pwedeng tapusin na ang kwento. Maaring mangyari ito kung nahanap na ang resolusyon ng problemang kinakaharap ng karakter. Maiksi lamang ang talatang ito.

Pagkatapos ng sinopsis ay ang paggawa ng “sequence treatment.” Ang sequence treatment ay isang uri ng pag-oorganisa ng mga pangyayari sa dula. Ito ay nagagawa sa pamamagitan ng paglikom ng mga eksena na kapag ipinagsamasama ay nagsasaad ng dumadaloy na kwento ng isang pangyayari na bahagi ng isang mas malakihang kwento. Ang bawat “sequence” ay isang daloy ng aksyon na pagdinugtong-dugtong mo ay syang bubuo ng naratibo ng buong dula. Isang halimbawa ay ang “car chase” o habulan ng kotse kung saan ang buong sequence ay hinggil sa habulan ng mga kotse na kahit man nagsimula ito sa isang lugar at dumaan-daan kahit saan patungo sa iba pang lugar, tinatahi ang mga di-magkasingtulad na lokasyon o eksena sa pamamagitan ng isang malinaw na aksyon at yan ay ang tagisan ng mga kotse.

Kung nakagawa na ng “sequence treatment,” meron ka ng gabay sa pagdaloy ng aksyon ng kwento at maaari nang isulata ng iskrip.

Anyong Teknikal ng Iskrip

[Pagbalangkas ng anyong teknikal]

EHEMPLO NG ISANG ISKRIP:

(1) EKSENA 1. EXT. LUNETA-ARAW

(2) Isang mainit na araw. Ang lahat ay nagtatago sa kahit anong lilim na maaaring mapagtaguan. Napakaiba ang dating ng araw na ito.

(3) GUMAGALAW

Isang sasakyan ang humaharurot sa parke patungo sa monumento ni Dr. Jose Rizal.

(4) EKSENA 2. EXT. DYIP-ARAW

(5) Si ALEX ay pasuroy-suroy ang takbo ng minamanehong dyip.

(6) ALEX

(7) (Nagsisisigaw)

(8) Alis kayo dyan!

(9) Nagtakbuhan ang mga tao sa ilalim ng punong kahoy at sa waiting shed.

(10)Biglang BUMUSINA ang dyip bago ito huminto.

Mukhang simple naman ang pagsulAt ng iskrip, di ba? Ang unang linya ay ang tinatawg na “slug line” o “heading.” Ito ang nagsasabi kung saan tayo at anong bahagi ng araw ang pangyayari ay nagaganap. Pagkatapos nito ay lulundag tayo ng isang espasyo, at sa susunod dapat walang puwang sa pagitan ng mga linya samantalang tinatala ang aksyon ng kwento. Ang pangalawang linya ay nakalaan para sa pagsasalarawan ng pangyayari para makapabigay ng pangkalahatang impresyon ng kapaligiran o ng aksyon. Ang pangatlo linya ay dapat me dobleng espasyo. Ang salitang “GUMAGALAW” ay ang pag-iba ng focus ng kamera mula sa mga di-gumagalaw na kapaligiran at sa isang bagay na gumagalaw tulad ng dyip na isinasaad sa pang-apat na linya na doble-espasyo muli. Sa panglima ay ipinapakilala ang tauhan na si ALEX. Ang lahat na mga pangalan ay dapat na nasa malaking letra para madaling basahin at hanapin. Ang pangalan ng magsasalitang tauhan ay palaging nasa malaking letra at inilalagay ang pangalan sa gitna ng pahina. Ang pangpitong linya ay walang espasyo at ito ay isa lamang na paglalahad ng emosyon ng tauhan. Ang pangwalong linya ay ang dayalogo na dapat nakapasok (“indented”) mula sa gilid at walang espasyo sa bawat linya ng dayalogo. Ang pangsiyam ay siyang direksyon tungkol sa karakter at doble espasyo ito mula sa naunang linya. Ang panghuling linya ay ang pagkakaroon ng “sound effect” at ito ay dapat na nasa malaking letra para madaling makita ng gagawa nito.

Pag-Alam sa mga Sinematikong Sangkap ng Dula

DIAGRAM

diagram

Sinusulat ang mga dulang pampelikula at pangtelebisyon na may layuning magsalarawan ng mga sinematikong katangian ng mga dula na binubuo naman ng mga odyo-biswal na mga element. Alalahanin na ang pelikula at telebisyon ay mga midyum ng imaheng gumagalaw at di statik na mga salita sa pahina o potograpiya. Para ang dula ay magiging sinematiko, alamin ang mga sangkap na bumubuo sa isang sinematikong pagsasadula. Maaaring makatulong ang mga sangkap na ito sa iyong pagsulat ng dula.

1. KWENTO AT TAUHAN: ang sangkap na “literary” ng dula na nagbibigay ng kwento sa pamamagitan ng mga tauhan at ang kanilang mga aksyon. Ang “scriptwriter” ay ang may akda ng iskrip.

2. DIREKSYON: dito nagsisimula ang mga sangkap sinematiko ng dula kung saan ang direktor ang syang may-akda ng mabubuong pelikula. Sa kumpas nya at ideya mabibigyan ng anyo ang isang kwento bilang isang pelikulang mapapanood.

3. DISENYO: ang lahat na biswal na sangkap ng mapapanood kasama na ang set, kostyum, make-up, props, at pati na ang “visual effects.”.

4. SINEMATOGRAPIYA: ang paggamit ng kamera at lahat na makukuha ng kanyang paningin na magsasalarawan ng kwento.

5. EDITING: ang pagtagni-tagni ng mga imahe para makabuo ng kwento.

6. TUNOG: ang mga naririnig na mga elementong pandinig kasama na ang dayalogo, natural na tunog, o “sound effects.”

7. MUSIKA: ang paggamit ng angkop na musika para magbigay damdamin sa eksena at buong pelikula.

8. ACTING o PERFORMANCE: ang pagganap ng mga tauhan sa kwento.

Ang walong elementong ito ay syang nagbibigay ng sinematikong katangian sa dulang pampelikula o pangtelebisyon. Sila ang magbibigay pagkakaiba sa ordinaryong mga dula na hindi nagsasama ng mga elementong ito sa kanilang panulat. Ang pelikula ta telebisyon, bilang mga midyum ng imaheng gumagalaw, ay dapa na magbigay pansin at maglakip ng mga elementong ito para sa ikakabuti ng dula.

Kung naisulat na ang dula o iskrip, bilang panghuling gawain, tanungin sa sarili ang mga katanungang ito para mairebyu ang naisulat at maiwasto pa o mapaganda pa ang naisulat:

Mga Katanungan para sa Epektibong Kwento

  1. Tungkol kanino ang kwento? Sino ang protagonista, o ang mahalagang tauhan?
  2. Ano ang ninanais na kamtan (“want”) nya?
  3. Ano ang mga balakid sa kanyang pagtamo ng kanyang ninanais?
  4. Ano ang ginagawa nya para makuha ang ninanais nya kahit pa may balakid?
  5. Sino ang nagbibigay balakid sa ating tauhan, o ang “antagonist”?
  6. Paano mo naisasangkot ang damdamin ng manonood?
  7. Ano ang bago/nakakagulat/pagkaiba tungkol sa kwento?
  8. Ano ang bumibigay ng satispaksyon (di naman dapat palaging masaya) tungkol sa resolusyong ng dula?
  9. Ano ang tema ng pelikula?
  10. Ang pangunahing tauhan ba ay nagkaroon ng isang maramdaming paglakbay na umantig sa ating damdamin?

O maaari ring gamitin itong mga katanungan bilang batayan sa pagsulat ng kwento. Maaaring bago pa man magsulat ng dula, ay pag-isipan ang mga katanungan upang makabuo ng kwento at ng mga tauhan.

Sa huli, mahalaga ang pag-alam na ang dulang binubuo ay maaaring makapag-ambag sa kaalaman (knowledge), kahulugan (meaning) at kahalagahan (values) ng mga manonood. Bilang mga kasapi ng isang komunidad na ang layunin ay ang makapagturo, isipin nating mga guro na an gating mga dula ay makapagbibigay ng kaalaman tungkol sa ating mga sarili, kapaligiran, lipunan at ng mundo. Ang kaalamang ito ay nanggagaling mula sa mga kahulugan (“meaning”) o sa mga mensaheng ating ini-“encode” sa ating kwento or sa alinmang elementong sinematiko ng dula. Maliban pa sa kaalaman, ang dula ay isang tagapagdala din ng mga kahalagahan (“values”) na syang bumubuo sa ating katauhan. Ang kaalamang walang pagpapahalaga ay saying dahil sa ito ay maaaring di makakatutulong sa isang matiwasay na pamumuhay.

Ang dula ay isang salamin sa ating pamumuhay at ang dulang pampelikula at pangtelebisyon ay may ginagampanang parte sa ating pagharap sa atign pang-araw-araw na pamumuhay.